Oratio Imperata para sa Kapayapaan – isang Obligadong Panalangin sa Wikang Filipino, Tagalog

Sa kalagitnaan ng tumitinding pandaigdigang tensyon, tayo’y magsama-sama at ipanalangin sa Diyos ang Oratio Imperata (Obligadong Panalangin) para sa Kapayapaan sa wikang Filipino, Tagalog.

Bersyon (Hulyo 2024)

Diyos na aming Ama sa Langit, Panginoon ng kapayapaan at katarungan, mapagpakumbabang lumalapit kami sa Iyo sa panahong ito ng tumitinding tensyon sa pulitika sa aming bahagi ng mundo.

Sa nakalipas na mga taon, pinanatili Mo ang aming pananampalataya sa Iyo bilang isang bayan. Ang pananalig namin sa Iyong Kagandahang-loob ang siyang nagligtas sa amin sa napakaraming kalamidad na dulot ng kalikasangayundin ng mga dahil sa kagagawan ng tao na dumagok sa aming kasaysayan. Iligtas Mo po kami, mula sa lagim ng digmaan. Dingin Mo ang aming pagsusumamo. Kahabagan Mo po kami, Panginoon; ipagsanggalang kami sa pwersa ng kasamaang nag-uudyok sa mga pinuno ng mundo. Naniniwala kami na “hindi kami nakikipaglaban sa mga tao, kundi sa mga pinuno, sa mga maykapangyarihan, sa mga tagapamahala ng kadilimang umiiral sa sanlibutang ito, sa mga hukbong espirituwal ng kasamaan sa himpapawid” (Efeso 6:12).

Ipinapanalangin namin ang mga pinuno na pinagkatiwalaang gumawa ng mga pagpapasya para sa aming bansa. Buong puso naming ipinagkakatiwala sa Iyo ang aming kınabukasan at humihingi kami ng kapatawaran at habag sa mga panahon na dahil sa aming mga takot at hinala ay nadungisan ang aming mga pananaw at nagdulot ng maling pagkiling at poot laban sa ibang katutubo at lahi.

Taimtim kaming nagsusumamo na “gawin mo kaming mga daan ng iyong kapayapaan. Kung saan may pagkapoot ay magdala kami ng pagmamahal. Kung saan may pinsala, kapatawaran. Kung saan may pagdududa, pananampalataya. Kung saan wala ng inaasahan, pag-asa. Kung saan may kadiliman, liwanag. Kung saan may kalungkutan, kagalakan.”

Ito’y aming hiling sa pamamagitan ng aming Panginoong Hesukristo na Iyong Anak, na nabubuhay at naghaharing kasama Mo, kaisa ng Espiritu Santo, Diyos magpasawalang-hanggan. Amen.

Iba Pang Wika

Maari mo ring tingnan ang Oratio Imperata for Peace prayer in English.

Spreaditorial Team

Spreaditorial Team at HMASSP is dedicated in spreading the Good News of our Lord and Savior Jesus Christ to everyone in the world.